Mensahe Isang malugod na pagbati sa Samahang Lázaro Francisco sa paglalahathala ninyo ng unang isyu ng SARO. Humahanga kami sa pamunuan ng SLF sa pangunguna ni G. Rene Boy E. Abiva sa kanilang pagsisikap na mahasa at mapalabas ang likas na kakayahan ng mga bagong sibol na manunulat dito sa ating lalawigan. Nararapat lamang na tangkilikin natin ang samahang ito na ang pangunahing adhikain ay ang itaguyod ang pagtatanggol at pagpapa-unlad ng ating sariling wika, panitikan at kultura na siyang sumasalamin sa kamalayan at kaluluwang Filipino. Ito, higit sa lahat, ang nagpapaligaya sa amin sapagkat dito namin mapapatunayan na buhay na buhay pa rin ang mga simulain at adbokasya na siyang ipinakipaglaban ng aming ama sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang may mga teoryang realismo. Gaya ng paniniwala ng aming ama, “ Walang dakilang wika sa alinmang bansa na ang ‘di nagtaas at naghatid sa tugatog ay ang kanyang mga manunulat.” Ginampanan niya sa loob ng humigit-kumulang sa 40 taon ang papel bilang isang makabayang manunulat na may kamalayang-sosyal. Nagsulat siya ng mga nobelang nagsusuri sa mga suliraning pambansa upang maibunsod ang katuparan ng katarungang-panlipunan. Pinangibabaw niya sa kanyang pagsusulat ang isang bisyon sa buhay na bawat akdang susulatin ay dapat magtaglay ng mga layunin o misyon para sa kagalingan ng kanyang kapaligiran kung hindi man ng bayan at ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kanyang mga nobela, nanghikayat siya sa kanyang mambabasa na makisangkot sa kapakanan at mithiin ng bansa. Isa sa itinatangi niyang parangal noong nabubuhay pa siya ay ang gawad na “Tanglaw ng Lahi” mula sa Ateneo de Manila University noong 1979 “ dahil sa pag-uukol ng kanyang buhay at kakayahan upang makamit ang Pilipinismo at pagka-Pilipino.” Sa ngalan ng Lázaro Francisco Foundation, taos-puso kaming nagpapasalamat sa pamunuan at mga kasapi ng Samahang Lázaro Francisco sa pasusumikap nilang lalong paigtingin ang ningas ng panitik ng ating nag-iisang Pambansang Alagad ng Sining sa pantikan dito sa ating minamahal na Lunsod ng Kabanatuan. Mabuhay ang Samahang Lázaro Francisco! FLORIÑO A. FRANCISCO, M.D. Anak ni Lázaro Francisco
{3}