SANAYSAY
Ang Huling Lunan ni Inang Mildred Abiva
Hindi ako mahilig magluto kaya siguro hindi rin ako mahilig mamalengke. Subalit ang aming bahay ay malapit sa palengke kung kayat hindi maiiwasang laging madadaan sa palengke, may bibilhin man ako o wala. Minsan pa nga ay ibinababa na lamang ako sa palengke kapag tinatamad na akong ihatid ng traysikel driver sa aming bahay dahil daw one-way ang daan. Nakasanayan ko na tuloy na makita ang mga nagkalat na banye-banyerang isda at karne. Nasanay na ang aking mga paa na umiwas sa mga pulu-pulong tubig at putik na naiipon sa mga butas sa daan. Nasanay na ang aking ilong sa pinaghalu-halong lansa, amoy pawis, amoy nabubulok, at amoy sigarilyong nakahalo sa hangin. Bahagya na lamang ngunit naiirita pa rin ako sa ingay nang sabay-sabay na sigaw ng mga nag-aalok ng paninda. Dadaan sana ako sa looban ng palengke para mas maaliwalas ang daan subalit naiinis naman ako sa maya’t mayang tanong na “anong bibilhin mo?”. Minsan nga nan-trip akong sagutin ng “isda” ang bawat tinderang nagtatanong kahit pa puro timba at hanger ang nakikita kong naka-display sa tindahan niya. Subalit maliban sa mga pangangailangang materyal, may higit na halaga ang palengke sa akin. Hindi ko maintindihan kung bakit. Basta ang alam ko, sa panahon ng kahinaan ng kaluluwa at pagkatao, ang palengke ang nagiging ospital ng kalooban ko. Hindi ko naman sinasadyang madiskubre ang ganitong epekto ng palengke sa akin. Ang naaalala ko lang, minsa ay lugmok na lugmok ang aking kalooban at pinagduduhan ko na ang mga plano ko sa buhay. Ito iyong panahong napakanta ako ng awit ng Buklod na “ Aling landas ang susundin ng puso. Saan ka liligaya. Saan mabibigo. Saan ka tutungo.” At dahil tuliro ang aking isip, noong tinanong ako ng traysikel driver kung saan ako pupunta ay nasagot ko nalamang siya ng “palengke manong.” Pagka-upo ko sa loob ng traysikel ay medyo gumaan ang kalooban ko kahit pa noong naging lima na ang pasahero. “Bakit pa kasi naman sumakay iyong panlima?”, ‘ika ko sa sarili ko. Ang panghuling sasakay kasi ay sa maliit na upuang idinagdag lamang sa loob ng sidecar pupwesto. Nasa bandang kanan ito ng drayber at kitang-kita ko ang yamot sa mukha ni Ateng pasahero sa tuwing kikiskis sa likod niya ang manubela lalo na kapag paliko ang daan. Sabagay nga naman, nasa limang pasahero talaga ang kapasidad ng mga traysikel sa Tuguegarao. Nagmamadali lang din siguro si Ateng pasahero kaya hindi na namili ng masasakyan kahit pa napakarami namang traysikel na dumaraan. “ Desisyon mo ‘yan, panindigan mo,” ‘ nangingiti ko nalang na bulong sa sarili. Sandaling nawala sa atensyon ko si Ateng pasahero nang madaan kami sa tapat ng isang pansiterya. “Kainit-init e nagpapansit!”, kako sa sarili ko. Halos ramdam ko na kasi ang init na nararamdaman ng mga matiyagang nag-aantay sa pansitan. Tumatagakgak ang mga pawis. Ramdam ko din ang paghihirap ng nag-iisang ceiling fan para maibsan ang init ng mga customer nila. Adik din kasi sa pansit batil- patong ang aking mga kababayan kaya kahit napakarami nang nagtayo ng pansitan, punuan pa rin ang mga ito mula umaga hanggang sa hapunan. Kahit nga iyong pansitan sa loob ng isang bahay sa looban ng may kalayuang barangay ng Cataggaman ay dinarayo. Siguro maliban sa lasa ay wala kasing konsepto ng elitismo kapag nasa pansitan. May mga nakaunipormeng pangbanko, pang-estudyante, may mga drayber, at tambay na pare-parehong na tinitiis ang init matikman lang ang pansit. Madalas dumarating ang mga gutom na customer na naka-tricyle, meron ding naka-kotse, naka-single motor, at mayroon ding nilalakad lang. “Delfino”, biglang sabi ng drayber. Ibig sabihin ay pinabababa na niya ako. Ito kasi ang pangalan ng hotel sa tapat ng palengke. Iniabot ko muna ang sampung piso bago ako bumaba.
{24}