DAGLI
Dilemma
Emmanuel John Pangan Ehem… ehem… ayan okey na. Smile lang. Maganda ang araw na ito. Ano na naman kayang klaseng tao ang makikita ko. “Ting!” tunog ng bumukas ang pinto ng elevator. Impernes kay lolo going strong pa rin sila ni lola ha. Ang sweet nakatungkod sila pero inaalalayan pa rin ang isa’t isa. Halata sa kanilang kumulubot ng balat ang tagal ng kanilang pagsasama. Sungit naman ni Ate akala mo naman maganda ang pangit naman ng kilay. Ang ingay-ingay! Kababata pa puro kakirihan. Ay! Ambait naman ni Kuya tulak-tulak si Daddy niya. Napano kaya si Daddy? Pasara na sana ang pinto pero nakuha pang humabol ng isang lalaking kalong-kalong ang kanyang anak na babae sa kanyang bisig habang sumisenyas sa naka-uniporme sa elevator na para bang nagpapaintay. Ilang saglit lang, dumating na ang isang babaeng nagdadalang tao habang akay-akay sa kanang kamay nito ang mag-aapat na taong gulang na batang lalaki. Ayan! Ready na lahat. “Ate sandali!!! Aray! Ano ba yan!” “Sorry po pero overload po tayo baka po pwedeng mag-stairs na lang po yung iba. Priority po natin ang senior citizens, PWDs, at pregnant women.” “Ay teka ate! Kami ba pinaparinggan mo. Aba hindi kami bababa. Pare-pareho lang kaming tao dito. Hindi naman ubra na kami pa umalis. Eh bakit hindi yung huling pumasok yung palabasin mo. Hindi mo na kailangan pang magparinig. Baka makarating ‘to sa management.” “Ay maam, hindi naman po ako nagpaparinig pero talagang priority lang po ang senior citizens, PWDs, at pregnant women.” “Aba! Eh pano kung hikain ako?! Tsaka kaya nga kami andito para ma-relax at mag-enjoy.” “Teka hija. Nakikiusap lang naman sa inyo. Eh kung ayaw mo baka gusto mong magka-discount? Pinakamadali yung PWD.”
{ 14 }