TULA
X-XO-DO (Limang Tula) RB Abiva
“Paglampas ng meridian sa kanluran;/ Iminedyas/ Ng paa ko/ Ang makapal na alikabok,/ Pinatay/ Ng daliri/ Ang boltahe ng modernisasyon,/ Ikinumot/ Ng katawan/ Ang dasal ng pag-asa,/ Pinaghilik/ Ng pagod/ Ang masisipag na pandama/ At pinasigabo/ Ng makulay na karimlan/ Ang isip ko.”—Roberto Ofanda Umil, Paglalim Ng Dilm
I. Tortyur Umiiyak ang kambing, halos bumula ang kanyang bibig na wari’y binuhusan ng basi dahil sa naipong takot na nilagom ng kanyang mala-saluyot na laway.
II. Pagpapatiwakal ‘Di mapakali ang kalabaw, na tahimik na nagmamatyag sa gitna ng bukirin. Maya’t maya n’yang iniyuyusak ang kanyang paa sa putikang lupa na naghahatid ng hilakbot sa lahat ng mga nagdaraan. Hanggang isang araw ay anong lakas niyang inihampas ang sariling buntot sa likod. Pumutok at lumagitik ito na waring tunog ng latigo nang sandaling dilaan nito ang balat ng tao at kabayo. Paglao’y anong bagsik niyang iniuntog ang sariling ulo sa matigas na bato. Ang makapal at matigas niyang bungo ay anong lupit sa pagkakadurog higit pa sa kung anung kaya ng palakol at maso gaya nang ginawa noon ni Ambo nang magdiwang ito matapos magbalik-bayan ang bunsong anak na mula sa malayo.
{9}