DAPITAN 2020: Ina

Page 78

DAPITAN mundo. Taimtim niya lang na pinagmamasdan ang paghagkan ng tubig sa mga halaman. Tahimik niya lang na pinakikinggan ang pagbuga ng tubig mula sa hawak niyang hose. Mapayapa siya sa piling ng mga bulaklak. Pero minsan, iniisip ko rin na kaya baka siya tahimik ay dahil wala naman talaga siyang makakausap sa mga oras na iyon. Madalas niyang nauunahan ang araw sa pagsikat. Pero tulad ng araw, napapahanga ako kung paano niya sasadyaing bumangon nang maaga upang mabuhay at bumuhay. Palagi siyang nauuna. Naaalala ko ang kanyang mukha sa loob ng aking telepono. Bakas ang pagtataka sa kanyang mga mata noon. Hindi niya pa rin mapagtanto kung bakit inihaharap sa mukha ang telepono sa halip na ilapat sa tainga para makipag-usap. Pinaka-naaalala ko sa lahat ay yung pagpupumilit niyang malaman ang sagot kung bakit at paano nakikita ang kausap sa telepono sa halip na makipag-usap na lang siya sa mukha na kaharap niya. Nagsalubong na naman ang kilay niya sa mga oras na ‘yon, pero nakita ko rin kung paano ngumiti ang mga mata niya nang mabighani siya sa misteryosong kapangyarihan ng telepono. Hindi siya makapaniwala na maaaring makausap ang mahal sa buhay at makita silang gumagalaw sa kabilang dako ng parihabang telepono. Nakatutuwa na sa edad na pitumpu’t walo, sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya, uhaw pa rin siya sa kaalaman at karunungan. Naaalala ko ang kanyang mukha habang nakatayo sa pintuan. Tulad noon, hindi na naman maipinta ang mukha niya. Natatandaan ko pa ang suot niyang mahabang bestida at malaking ngiti, pero iba ang sinasabi ng mga mata niya. Bakas sa kanyang mukha ang kaligayahan sa saglit naming pagdalaw. Pero hindi pa rin siguro maiiwasan na malungkot na wala ulit siyang makakausap o mangulila sa pagkakaroon ng makakasama. Sa katiting na oras, napagkakasya niya ang isang katerbang mga istorya. Nagawang punan ng hiram na oras ang kanyang inaasam. Kuntento siya sa pagpapahiram namin ng sandali. Ganito siya palagi. Ihahatid niya kami hanggang sa pintuan at tatanawin hanggang sa tuluyang lumisan. Minsan, napapaisip ako kung bakit niya gustong-gusto na ginagawa ‘to. Dahil ako, ayokong tinatanaw ang mga papalayong katawan. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung sa paanong paraan niya natutunan at natunghayan ang kagandahan sa pamamaalam. Naaalala ko ang kanyang mukha sa kuwadro. Matagal nang kuha ang larawan na ‘to, pero ito ang piniling ilagay sa kuwadro. Halos wala kang makikitang litrato niya na nakangiti. Hindi dahil nakabusangot siya, kundi dahil lagi siyang nakukuhanan habang nagsasalita pa. Hindi talaga natatapos ang mga kuwento niya. Parang ayaw niyang ninanakawan siya ng sandali, pero nakaw na ngiti ang nakuha sa larawan na ‘to. Nag-uumapaw sa kaligayahan ang mga mata niya, kaagapay ang abotlangit niyang ngiti. Ganito siya palagi, nilalamlam ang bawat sandali. Sa bagay, hindi nga naman nakukuwento ng isang segundong kuha sa larawan ang buong kaganapan. Kaya siguro mas naaalala ko siya sa tinig kaysa sa mukha. Kung paguguhitin ako ng larawan niya, ganito ko na lamang siya maaalala— sa loob ng mga parihaba. Ang mukha niya mula sa bintana Ang mukha niya sa’king telepono Ang larawan niya sa loob ng kuwadro Ang kanyang katawan sa loob ng kabaong Mga mukha ng parihaba na mistulang mga parirala sa aking gunita. Gusto kong sabihin na rito ko natutunan ang kagandahan ng pamamaalam. Subalit walang mukha ang nitso. Wala akong ibang maaalala kundi ang kapaitan ng pamamaalam. Nagmistulang tuldok ang mukhang ibinigay niya sa katawan niyang nahihimlay sa loob ng kabaong. Paano ko magagawang tuldukan ang mga parirala ng alaala? Kaya’t sa tuwing titingnan ko ang parihabang nitso, aalalahanin ko ang mga mukha sa ilalim nito. Sapagkat naroon siya sa ilalim ng kapirasong parihabang lupa, isa na lamang kuwento. Makikilala n’yo siya sa mukha kaysa sa tinig, sa mga pahinang mas makikilala siya sa mukha kaysa sa pangalan. Binigyan niya ng buhay ang mga parihabang lantay. Kaya’t bago siya tuluyang pumanaw sa aking gunita, bubuhayin ko siya sa mga pahinang parihaba.

78


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.