Page 1

Baka may talinghaga kang makita dito sa karinderya. Baka may mahanap ka sa akin, pero pasensya na, eto lang ang kaya ko. Hindi ako si Florante o kung sino mang pantasya mo, dahil mas lalo namang hindi Laura ang ganda mo. Mukha pang bukbukin ang suot mong sapatos, pero ikaw naman ang mahal ko hindi ba? Hayaan mo na akong maging totoo sa iyo kahit ngayon lang, sawa na akong mambola. Ilang kasintahan na rin ang dinala ko sa kung saang restoran na hindi ko naman mabigkas nang maayos ang pangalan. Kahit papaano dito— Lutong Bahay—o, hindi ba, maipagyayabang ko sa ‘yo, magaling ako managalog. Kasi kaunti lang naman ang maipagyayabang ko talaga, noong sinabi kong kaya kong kumain ng limang tokneneng sa loob ng dalawang minuto, at halos mahirinan ako dahil kapos na ang pera ko para bumili ng malamig na Pepsi. Noong sinabi kong kaya kong kumain ng apoy, lumulon ng alambre, tapos maghintay ka ng limang minuto, magluluwa ako ng bumbilya. Noong sinabi kong kaya kong humuli ng liwanag sa garapon, na nalalasahan ko pa rin ang balat mo sa tuwing umiinom ako ng tubig, na naaamoy ko ang tinig mo mula sa sampung pulgada bago ka pa dumating, at amoy halimuyak ng sampagita na lagi kong inaalay sa Birhen ng Penafrancia kapag sasabihin mo ang salitang halika at amoy pisat na daga naman kapag sinabi mong impyerno. Noong sinabi kong kaya kong tumawid ng dagat dahil mahal mo ako. Noong sinabi kong kaya kong dumakip ng kaluluwa sa aking mga daliri dahil mahal kita, at kung magawa ko iyon, tutubugin ko ito para maging kuwintas. Pero manipis lang ang daliri ng aking pag-ibig. Wala itong mahahawakan kundi mga kamay mo.


Napakaraming hindi ko kayang gawin, pero minahal mo naman ako diba? Ano pala ang gusto mong kainin? Gusto mo ng sisig? Ibibili kita ng sisig. Gusto mo ng paputok? Ibibili kita ng paputok. Gusto mong kainin ang namimintog kong puso? Sandali lang. Matatapos na ako. Hawakan mo ang kamay ko, sabihin mo uli kung ayaw mo dito. Ito lang ang kaya ko. Diyan ka lang, takot. Diyan ka lang, pagnanasa. Makinig kayo sa pinakadakilang tinig ng pag-ibig. Pakinggan niyo ang kaniyang sasabihin. Pakinggan ang kaniyang aawitin. Sabihin mong mawawala tayo sa siyudad ng ating pinakahungkag na gutom. Sabihin mong maliligaw tayo sa gubat ng ating kalungkutan, sa sukal ng katawan ng isa’t isa. Sabihin mong magbibihis akong lobo, at magbibihis kang usa, at hahanapin kita na parang batang kalyeng naghahanap ng kalansing ng barya sa kaniyang Styrofoam na baso. Mauulol tayo sa ilalim ng maliwanag na buwan, magiging biktima ng ating pinakamalalim at pinakasikretong mga libog at matatakot ang sangkatauhan sa ating awitin. Sabihin mong susunugin natin itong karinderya, magsasayaw sa apoy, lalamunin ang abo, hahayaang lumabas dito ang mga pakpak ng nagkatawang pag-ibig. Sabihin mo halika sa impyerno. Hayaan mo akong malito.

Kundiman sa Karinderya  

For NaPoWriMo 2014, Day 29

Read more
Read more
Similar to
Popular now
Just for you