Philippine Collegian Issue 15

Page 8

Kung totoo ang larong Killer-Killer TAKBUHAN, SIGAWAN, AT PUTUKAN ANG HATID NG PAGTATANGHAL NG SIPAT LAWIN ENSEMBLE NA BATTALIA ROYALE: ISANG DULA NG BUHAY AT KAMATAYAN SA KAMAY NG MGA KABATAAN.

Jonathan Alejo Valdez

LATHALAIN OPINYON Miyerkules Miyerkules 27 Hunyo 03 Oktubre 2012 2012

WALANG PAGOD ANG MGA manonood sa pagtakbo para matunghayan ang susunod na eksena sa baliw na larong ito. Duguang mga bangkay dulot ng kaliwa’t kanang pagpapatayan ng mga estudyante ng Class Hope ng Our Lady of Guadalupe High School ang nagkalat sa paligid ng Museong Pambata. Habang hinaharap ng mga estudyante ang lagim ng larong pinipilit silang magbarilan, magpaluan, at maghiwaan, naroroon kaming manonood, naaaliw habang tinutunghayan ang karahasan na para bang kami ang diyos ng kanilang kapalaran. Ito ang handog ng pagtatanghal ng Sipat Lawin Ensemble (SLE) na pinamagatang Battalia Royale, isang inter-active site-specific na pagtatanghal kung saan hindi lamang nasasaksihan ng mga manonood ang bawat eksena, kundi kabilang na rin sila sa bawat pangyayari ng palabas. “Kupal ang mundo. Wala kang magagawa kundi ang lumaban.” - Kakai Halaw ang kuwento ng Battalia Royale sa nobelang Battle Royale ni Koushun Takami. Sa nobela, isang pangkat ng mga mag-aaral sa high school ang sapilitang ipinaglaban-laban sa isang programang nilikha ng pamahalaan upang sugpuin ang kanilang namumuong diwa ng paghihimagsik. Sa bersyon ng SLE, bahagi ng bagong Filipino curriculum ang programa na naglalayon umanong ihanda ang kabataang Pilipino sa pagpasok nila sa tunay na mundo. Sa parehong bersyon, kinakailangang magpatayan ng mga kabataan upang manalo – mamatay silang lahat kapag higit sa isa ang mananatiling buhay sa pagtatapos ng laro. Binuo ng SLE ang dula sa tulong ng apat na Australianong manunulat. Mula sa script na

nakasulat sa wikang Ingles, isinalin ng SLE ang ilang bahagi at pinasukan ng Pilipinong konteksto at sensibilidad. Puro mga Pilipinong aktor ang nagtanghal sa produksyon ng SLE. Inamin pa ng mga Australianong manunulat na angkop ang dula sa konteksto ng Pilipinas – lalo na ng urban nitong sentro – dahil halos pang-araw-araw na realidad dito ang karahasan. Pamilyar sa mga Pilipinong manonood ang bigat at pait ng totoong karahasan sa antas na hindi mapapantayan ng mga manonood ng Japan o Australia kung saan maaaring magsilbing palabas o spectacle lamang ang pagtatanghal. Sa ganitong gawi, masasabing Pilipino nga ang dulang ito. Tulad ng isinalarawan sa nobela, kalat-kalat na tilamsik ng dugo ang makikita sa magulo at madilim na tagpuan ng dula. Mas lalo pang napatindi ang pagiging makatotohanan ng dula dahil sa putok ng props na baril, paggamit ng mga tauhan sa mga sandatang mukhang tunay, at maging ang pagganap ng mga kawani ng SLE bilang mga tagapangasiwa ng laro at taga-gabay sa manonood sa susunod na mga eksena. “Hindi choice maging mabuti. ‘Yun ang dapat!” - Victor Site-specific ang pagtatanghal kaya lumilikha ito ng atmosperang nakabatay sa tono ng dula. Habang nagkakagulo ang mga tauhang estudyante sa pagtakbo at paglaban sa isa’t isa, tumatakbo at nakikipagbuno rin ang mga manonood para makita ang mga eksena. May panganib ding matamaan ng sandata, matilamsikan ng dugo, o mabunggo ng mga tauhan ang manonood.

Dahil sa estilong ito, mas umiigting ang relasyon ng mga manonood sa pagtatanghal. Pinalilitaw din nito ang reaksyon ng mga manonood sa mga nakakabiglang elemento ng dula at maaaring maihahambing ng mga manonood ang kanilang reaksiyon sa isa’t isa. Dahil dito, nagsisilbing daluyan ang dula sa iba’t ibang pananaw ng mga manonood sa tema at mga isyung tinalakay ng pagtatanghal. Mas pinaigting pa ng SLE ang partisipasyon ng mga manonood sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa kanilang magpasya sa magiging takbo ng dula. Sa kalagitnaan ng palabas, ihihinto ng guro ang laro at itatanong sa mga manonood kung gusto ba nilang ititigil ang palabas at ililigtas ang natitirang mga estudyante. Kung may 30 na manonood na boboto na itigil ang laro, ihihinto na ng SLE ang pagtatanghal. Gayundin, mayroon pang bahagi ng dula kung saan lalabas ang guro na may kasamang estudyanteng nagmamakaawang mabuhay. Itatanong ng guro sa mga manonood kung dapat bang patayin ang tauhan o pabayaang bumalik sa laro. Ayon sa direktor na si JK Anicoche, tinitingnan ng SLE ang pagdudula bilang isang negosasyon sa pagitan ng mga manonood at ng dula, at sa pagitan ng mga manonood sa kapwa nila manonood. Sa pamamagitan ng

mga interaktibong bahagi ng dula, nasisipat ng mga tagapalabas at maging ng ibang mga manonood ang kanilang bawat takot, gulat, at galit. Dahil sa ganitong mga eksena ng dula, mas napalawak ng kuwento ang orihinal na tunggaliang inihapag ng nobela – kung makakayanan ba ng tao na patayin ang kaklase niya. Sa dula, ibinabato rin ang katanungan sa mga manonood na kung matitiis ba nila na masaksihan ang marahas at karumal-dumal na eksenang nakatambad sa kanila. “Not playing the game is standing up and saying we’ll not kill each other...” - Jessica Ayon kay Anicoche, wala pang pagkakataong naitigil ang palabas dahil pinipili ng karamihan sa mga manonood na ituloy ang dula. Minsan raw, ang naging resulta ng botohan ay 200:10, kung saan sampung manonood lang ang tumutol. Batay sa mga panayam, karamihan sa mga manonood ang nagsabing pinili nilang ipagpatuloy ang pagtatanghal dahil gusto nilang sulitin ang presyo ng ticket o ‘di kaya’y gusto nilang malaman kung ano ang magiging resolusyon ng dula. Ngunit may isang pagkakataon kung saan nag-walkout ang isang manonood dahil

para sa kanya, ito ang hinihingi ng pagtatanghal: ang umalis para talikuran ang karahasan. Sa unang tingin, marahil tinitignan ng ilan manonood ang dula bilang nakaaaliw na palabas lang. Ngunit para naman sa ilang pumili na ituloy ang dula, bagamat nauunawaan nila na ang pagkakataong itigil ang palabas ay pagkakataon nilang tumindig laban sa karahasan, mas pinili pa rin nilang masaksihan ang pag-usad ng dula. Alin man ang piliin ng mga manonood, maaaring sinasalamin nito ang realidad kung paano natin tinitignan ang isyu ng karahasan at pakikiramay sa kapwa-tao. Bagaman maaaring sabihin na laru-laro lamang ang ipinalabas ng Sipat Lawin Ensemble, nagawa nitong humakbang mula sa pormal na espasyo ng teatro at mang-akit ng mga manonood na maaaring hindi karaniwang nanonood ng dula. Sa larong ito, walang entablado, at dinurog ang fourth wall na naghihiwalay sa manonood at pagtatanghal. Wala man itong inaalok na sagot sa mga tanong ng dula tungkol sa pagkahumaling natin sa karahasan, nagawa pa rin nitong mambulahaw ng kaisipan. Sa huli, hindi ba’t ang layunin ng anumang sining ay hindi magpatahan ng kalooban kundi balisain ang mga tulog na damdamin? Sa antas na ito, nanggugulat at nanggigising ang Battalia Royale.


Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.